8.01.2009

Mental Exercises of the Sleepless Kind:
Freedom and doing what you want

Akalain mong ang laki pala ng Tondo? Pangalawang linggo ko na sa bago kong proyekto. Umiikot nanaman ako sa buong Kamaynilaan, ngayon naman sa pagsusurbey at pagkukuha ng litrato ng mga pre-war architecture. Ito'y para sa Manila Heritage Project ng Institute of Philippine Culture na naglalayong gumawa ng baseline data at libro tungkol sa mga nalalabing istrukturang kolonyal sa buong Kamaynilaan.

Yung Binondo madali lang ikutin dahil laking-Binondo ako. Para san pang galing ka sa isang pamilya ng mga negosyanteng Instik na maya't-maya'y kailangan bumili ng paninda sa Divisoria nang bultuhan? Pero yung Tondo, mediyo nawindang ako sa laki at sa layo ng mga assignment naming bahay sa isa't-isa. Nalakad ko na ata ang lahat ng distrito ng Tondo at di na paaawat ang aking pag-itim. Call it the Tondo Tan. Daig ko pa ata ang mga Mormon Missionary sa walkathon e! Hehe, hindi naman yata. Exagerrated. Pero kung nakita lang ng nanay ko ang aking when-in-rome-do-what-the-romans-do garb, ang aking mala heroes-in-a-nutshell look sa laki ng aking backpack, at ang malaking ngiti na naglalaro sa aking mukha, walang duda-- and unang itatanong niya sa kanyang sarili ay kung saan nga ba siya nagkamali.

Hindi ako nagpapakabayani. Hindi ko sinasabing astig ang ginagawa ko. Sa tingin ko, mas madami pang ibang tao na nagpapakabayani sa kanilang mga cubicle bilang mga computer analysts, financial experts, call-center agents at lalung-lalo na ang mga extrepreneurs. At least sila mukhang tumutulong sa pagpapaunlad ng ekonomiya ng bansa. Nangyari lamang na ganito ang aking pagkatao, na hindi mo ako mapipirmi sa isang office space. Na hindi ako kahit kailan magiging siyentipiko o doktor. Nagkataon lang na mas marunong akong makinig, makipag-usap at mag-obserba ng iba't-ibang klase ng tao upang makakuha ng impormasyon para sa report na gagamitin sa paglikha ng isang batas o programang panlipunan, halimbawa, kaysa mag-solve ng mathematical problems para sa pagpapatayo ng isang tulay na magiging biyaya sa mga nakatira sa isang malaking probinsya sa Kabisayaan. To each his own. May nunal lang siguro ako sa talampakan.

Kailanman, hindi ako yung tipong bahay-school-bahay. Pagkatapos ng klase, kung hindi ako naglalaro ng agawan-base, basketball o volleyball sa aming paaralan, naka-backride ako sa tricycle ni Uncle Bert, baon ang aking walkman at ilang cassette tapes at nagjo-joyride hanggang alas otso ng gabi habang siya'y namamasada. Si Uncle Bert ang sundo kong tricycle mula Grade 3 hanggang 2nd year highschool. Nung tumanda na kasi ako, mediyo mas cool nang magpasundo sa tricycle ng anak niyang si Violybert. Kulay itim kasi ito. Minsan tumatambay kami ng mga kakase ko sa isang bahay kumakain ng Chippy na ibinabad sa suka. O kaya namamalagi lang kami sa tabing ilog na amoy ebak ng tao pero huwag ka nalang huminga dahil maganda naman ang view. Ganon. Wala naman maireklamo ang aking mga magulang dahil kahit ginagabi ako sa pag-uwi, naghuhugas parin ako ng pinagkainan namin sa hapunan! At alam din naman nila kung ano ang kulay ng medalyang naiuuwi ko tuwing Marso. Hehehe.

Nung isang linggo, natulog ako sa kwarto ni Lai. Wala lang, kinailangan ko lang ng change of scenery (Haha, at ang change of scenery ay isang kwarto lang ang layo sa kwarto ko? Ayos.) Kinabukasan ginising ako ni Lai para lang basahin ang aking Life Path Number. Nagfe-facebook kasi siya at gumagamit ng ilang applications. Eto ang kanyang binasa habang pilit kong ibinubukas ang aking ma-mutang mga mata.

Birth Date: 30-08-1983
3+0+0+8+1+9+8+3=32=3+2=5

Below are the analysis of life path number 5:

The Life Path 5 suggests that you entered this plane with a highly progressive mindset, with the attitude and skills to make the world a better place. The key word for your Life Path is freedom. In the pursuit of freedom, you are naturally versatile, adventurous, and advanced in your thinking. You are one of those people who is always striving to find answers to the many questions that life poses. The byword for the positive Life Path 5 is constant change and improvement. You want to be totally unrestrained, as this is the number most often associated with the productive use of freedom.

You may be one of the most compassionate of people as the 5 is surely the most freedom-loving and compassionate Life Path. Your love of freedom extends to humanity at large, and concern for your fellow man, his freedom and his welfare, may be foremost in your mind. A great Life Path 5 American President, Abraham Lincoln, issued the Emancipation Proclamation, and ended slavery in America. As the ultimate progressive thinker type, your potential in government, the law, and other positions of authority is unlimited.



Hindi ako agad naniwala dahil kahit na gala ako, kailanman di ko naisip na freedom-loving ako. Pinaiiral ko parin lagi ang aking cautious side. Mediyo naiinggit pa nga ako sa ibang mga taong hindi matatawaran ang kawalan ng takot nila sa pagsubok ng mga bagay-bagay na minsan ay peligroso at minsan ay talaga namang katangahan lang for the sake of experience.

Pero naisip ko din, siguro yung mismong punto lang na naiinggit ako ay patunay nga na gusto ko ng mas malayang pamumuhay. Di nga ba't kaya ganito ang uri ng trabaho ko? Di nga ba't kaya ako nagpupumilit na manatili sa Maynila kahit na mahirap maghanap ng perang pambayad ng rent, bills, pagkain, at kung anu-ano pang pangangailangan? Kahit na todong mababawasan ang gastos ko sa amin, ayokong umuwi dahil ang pagtira kasama ang isang pamilya, gaano man siguro ka-normal ito, ay parang pagsuot ng full velcro outfit para madikitan ng kung anu-anong isyu. Di nga ba't hindi ako mapalagay kapag hindi ko masabi ang mga gusto kong sabihin at maipahiwatig ang tunay kong damdamin? Di nga ba't nalulungkot ako kung may bumabalakid sa aking pangangarap? Minsan na nga lang mangyari iyon e. So siguro nga freedom-loving talaga ako. At kaya nga "life path" ang tawag don kasi ito ang kapalaran ng aking pagkatao na dapat yakapin.

Ngunit kung iisipin naman, what is freedom? Ito lang ba yung kondisyon na walang kahit na anong pumipigil sa iyong mga desires o adhikain? Kung gagawin lang natin ang mga nais nating gawin at walang babalakid o hahadlang, hindi ba't parang bilanggo narin tayo sa ating mga desire o adhikain kung kaya't di din tayo malaya? Minsan, mahirap maging panganay. Iniisip ko na sana huli nalang ako ipinanganak. Parang mas masaya ata yon. Wala kang responsibilidad maging mabuting halimbawa kahit kanino man at magagawa mo ang mga gusto mong gawin. Pero teka nga muna, ano nga ba ang kalayaan? Ito ba'y ang kawalan ng kahit anong responsibilidad? Malaya ka ba kung ang tanging responsibilidad mo lang ay sa sarili?

Habang iniisip ko ang konseptong ito, nagtatanong din ako: hindi kaya kalayaan ding matatawag ang pagharap sa mga responsibilidad mo sa sarili at sa ibang tao at paghahanap ng solusyon para sa mga balakid na kinahaharap? Hindi ba mas kalayaang maituturing ang pagiging maparaan para mabuwag ang mga hadlang? Sa aking pagmamasid sa sarili at sa ibang tao, ang karaniwang paraan upang lumaya ay ang pagtalikod sa mga isyu at mga problema na ipiniprisinta ng panahon. Ngunit, hindi ba parang mas tunay na kalayaang maituturing ang pagharap sa mga hamon na ito--to overcome hindrances the most creative way possible? Maybe it's also just a matter of strategizing instead of just throwing in the towel and wishing you were more free to do what you want to do.

Dati mas na-associate ko ang salitang freedom-loving sa pagiging matapang, daring, walang paki-alam sa tingin ng ibang tao, yung may pagka-boheme lifestyle, yung hakuna-matata attitude. Kaya din siguro nagpupumilit ako na maging ganito. Ngunit ngayon napapaisip ako. Sabi kasi ng isang Chinese professor na nagngangalang Xu Yuangzhong, "Freedom and restraint are two sides of one thing. How can there be freedom without restraint? It’s impossible."

Kung sabagay may punto kasi siya. Kung susundin ang argumento sa itaas, at malamang sa sarili nating mga karanasan, if freedom is more of creatively employing all your faculties taking into mind contextual factors to get what you want and be happy, e malamang sa malamang, that would necessarily involve a great deal of restraint. Hindi din pala proportional ang propensity sa pagiging mapusok sa pagiging malaya. Maaari pang magkabaliktad pa ito. Minsan hindi umuubra ang pagiging mapusok. Loose passions backfire; instead of emancipating, they debilitate.

Ay! Naku teka lang. Mediyo sumasakit na ang ulo ko sa kakaisip nito. Masalimuot ang talakayan at talaga namang may iba pang mga konsepto na nakakabit sa pagiging malaya. Andiyan ang konsepto ng giving vs. selfishness, love vs. apathy, creation, language, self-actualization at kung anu-ano pa na wala na akong lakas para pag-isipan pa ngayon dahil may ginagawa pa akong ibang trabaho at sumingit lang ito. Kung may mga mungkahi kayo, sabihan niyo ako, mag-mental calisthenics muna tayo. :)

1 comment:

Buccino said...

matinding calisthenics ata iyang hinahanap mo. garang-gara sa pag gala sa siyudad at mag-abala ng utak kung san makakasuot. pero may punto ang deliberasyon, lalo na sa kapayapaan at kaayusan. ang malaya sa sarili ay walang takot sa responsibilidad, at hindi maipaparehas sa pagiging walang pakialam.

kung ikaw ay malaya, mas magpapahiwatig lang na ang tao'y meron kontrol sa kanyang sarili. at ang kontrol na ito ang siyang naglalayag ng pagsunod o paglabag sa mga batas ng kultura, sosyalidad, buhay at kung ano pa.