mula't sapul, hindi ko masiyado ikinatuwa ang aking pagiging atenista. ang unang taon ko sa kolehiyong ito ang isa sa mga pinakamalungkot at pinakanakakabagot na panahon ng aking buhay. hindi ko maintindihan kung bakit panay nalang ang ingles ng mga tao dito. na-insecure ako sa pagiging mapagpahayag ng mga tao pero sa kabilang banda nainis din ako sa kakitidan ng utak ng iba. sayang lang ang kanilang gift of gab! araw araw, inisip ko na mali talaga ang desisyon ng aking mga magulang sa pag-papaaral sa akin dito. ayaw nila ako payagan sa peyups noon maski na pasado ako sa kursong inapplay-an, quota course pa kamo.
pero nanatili ako sa aking paaralan at natuklasan ko na hindi din pala ganon kasagwa dito. unang una, akala lang pala ng lahat sa umpisa na ingles ang salita dito kaya tuloy lahat ng freshmen nag-iinglesan. paglaon, lalabas din ang naglalalimang pananagalog, pagbibisaya, pagiilonggo at kung anu-ano pang nalalamang salitang balbal.
pero seryoso, dito nakakilala ako ng mga taong nagpupursigi sa pag-aaral hindi lamang upang tumalino at yumaman kundi upang mahasa nang sa gayon ay makapaglingkod nang tama sa kapwa. nakakilala ako ng mga kaibigang hindi lamang nagpapahayag para magpataasan ng ihi kundi walang tapang na sumasabak sa diskurso upang makalaya sa mga kasinungalingang minsan ay sadyang ipinanggagapos sa sarili dahil lang kumpurtable. nakakilala ako ng mga kasamang intindi na hindi din lang sa pakikitalastasan nalalaman ang katotohanan ngunit sa pakiksalamuha sa ibang tao sa pang-araw araw na gawain at simpleng pakikiramdam. may napakagandang salita sa ilocano para sa pagtambay -- makirikna -- o "to feel with." at higit sa lahat, nakakilala ako ng mga taong hindi lamang nananatili sa konseptwal na nibel ng pagpapakatao, o ang pagbibigay o pagpapalaya ng sarili upang makapagpalaya ng iba, ngunit ibinababa ang pilosopiyang ito sa kanilang mga trabaho at mga personal na relasyon. ang sumunod na tatlong taon ko sa ateneo ang isa sa mga pinakamasaya at pinakanakakamanghang panahon sa aking buhay.
ewan ko ba kung bakit nakalimutan ko na ang lahat ng iyon. siguro dahil sa paglabas ko sa mundong nakaugalian, natuklasan ko na hindi gusto ng karamihan ang mga atenista. para sa kanila, pag atenista ka, mayaman ka lang. madalas marinig ang mga katagang "atenista kasi" sa pagtukoy ng mga masasamang ugali tulad ng yabang, arte, kababawan at kawalan ng kamulatan. dahil sa pagnanais na huwag makulong sa isteryotipiko, hindi ko inako ang pagiging isang atenista. bagkus, itinago ko ito. at dahil narin gusto kong subukang lumalayo sa isang mundong nasusukuban ng mga pananaw na natutunan ko sa ateneo dahil baka naman ipinanggagapos ko lang ang mga ito sa sarili, maski ang mga mabubuting aspeto ng pagiging atenista kinalimutan ko.
kamakailan, napanood ko ang video na ito at napagtanto ko muli ang tunay na kahulugan ng pagiging isang atenista. ipinaalala sa akin ng mga taong nasa video (mga guro, ka-toto na nakainuman na, mga nakaheart-to-heart talk ko noong college) na ang mga bagay na ito ay isang napakalaking parte ng aking kamulatan at maski na itakwil ko, babalik-balikan parin ako.
messianic? maaari. corny? puwede. pero sa panahon ngayon, tangina hindi na puwedeng magpapigil sa kung anong tingin ng ibang tao sa 'yo. kung araw araw ay nakakausap mo naman ang mga taong walang tiyak na tirahan at hindi sapat ang pagkain, ang mga taong nagkukumahog, dalawa ang trabaho ni hindi na matulog para lamang kumita, kung araw araw ay nakakakilala ka ng mga biktima ng palpak na sistema ng gobyerno na dala ng paghahabol ng pansariling interest ng mga taong iniluklok nila, aba e, panahon narin siguro para magpakatao at hindi magpagupo sa takot, hiya at pag-aalinlangan na mabansagang "atenista kasi."
sabi nga ni michael jackson, oo kailangan ko lang talaga isingit to =p, "love can't wait", "love needs expression" at sana matigil na tong "damned indecision and cursed pride". hindi nga ako blue vulture pero ayoko nang maging blue chicken. blue eagle ako. o ano, may reklamo?
No comments:
Post a Comment