Kaninang umaga, gumising ako ng alas otso. Umuulan. Kumain ako ng noodles na hinaluan ng malasadong itlog. Nagyosi habang pinakikingaan ang kapitbahay kong Koreano na sa bawat araw nalang na ginawa ng Diyos ay walang sawang pumipintot sa teklado ng kanyang piano sa pagbabakasakaling mapulido ang nag-iisang piyesa na malamang para sa isang piano recital.
Naalala ko tuloy ang sarili ko sampung taon na ang nakalilipas. Ang daang-daang oras na iginugol, si Mrs. Pablo and the mighty spray of laway, ang namumulang poinsettia sa ibabaw ng soundboard, ang lapis na nakatusok sa ilalim ng aking galanggalangan at kalyong namumuo sa aking mga daliri.
Sorry, boy. Sa isang palabas na ganon, magkakamali at magkakamali ka sa entablado. Tanungin mo nalang ako kung bakit. Pero masaya naman 'pag in the zone ka 'di ba? Para kang dinukot ng mga diwata, idinala sa isang mahiwagang mundo, lumipad kasama ang daang daang nagkakantahang mga nota at tumambay na nakalutang sa kalawakan lulan ng isang nakabalikwas na f-clef dahil mas steady siya kesa kay g. Ngunit ang limang oras ay parang limang minuto lamang dito. Bitin!
Magkamali ka man, wala silang karapatang sabihin na ikaw ay nagpabaya. Alam ko kung ilang oras sa isang araw ka magensayo (mahiwagang mundo time). Kaya go lang, kapatid. Go lang nang go!
Nang lumaon, pinaandar ko ang laptop. Binuksan ang mga dokumento. Tapos, tapos...natulog nalang ako ulit. Leche. Kailangan ko ng kakulitan.
No comments:
Post a Comment