Anong gagawin mo pagkatapos ng shoot sa Ultra, rush hour, at wala kang masakyan pauwi? Gaya ng nakagawian, magpunta sa megamall para mag-ubos ng konting oras. Kumain ng Beef Pinatubo Jamaican Patty, mag-order ng P 40 na cappuccino sa Red Ribbon dahil kapeng-kape ka na ng disenteng kape at mahal sa Starbucks. Buklatin ang librong inorder mo sa Powerbooks, yung nakita mo dalawang taon na ang nakararaan ngunit ngayon mo lang napagdesisyonang bilhin.

Basahin ang mga kataga--tahimik, pume-pacing ngunit hitik sa kahulugan. Ngumiti habang umiiling. Minsan ka lang maaliw sa nasusulat na salita. Maya-maya lumabas ka na papuntang sakayan. Mahaba nanaman ang pila ngunit di tulad ng dati, tama lang ang takbo ng oras. Pabugso-bugso ang iyong hakbang ngunit wala kang problemang humanay sa tamang hanay. Naisip mong huwag nang tumangkilik sa mga sasakyang wala ding disiplina sa pagpila. Nagmamadali kang umuwi, nagmamadali siyang kumita. Malamang sa malamang magkaka-kontratahan. May kasunduang magaganap pero ang ending, may isa sa inyo uuwing iniisip na nalamangan siya ng isa. Hindi, dito ka nalang sa pila.