wisdom from unlikely places
Kamakailan, dahil naaalibadbaran na ako sa sarili kong repleksyon sa salamin, dali-dali akong nagtungo sa isang salon para magpagupit. Binati ako ng isang baklang nagngangalang Mody. Maitim, mataba at malalaki ang mga mata nito. Kulot at mahaba ang buhok niya na parang nilagyan ng sandamakmak na hair product dahil tila basa at mabigat. In short, nakakatakot siyang bading. Naalala ko tuloy yung landlady ko eight years ago na nahuli kong tumatawa sa kusina mag-isa -- yung tawang mapapanood mo lamang sa teleserye, yung tawang si Jean Garcia lang ang nakagawa noong kasagsagan ng kanyang kasikatan bilang Madame Claudia sa Pangako Sa ‘Yo. Nagpapraktis lang daw ang aking landlady noon. Geez. Ang wirdo ng mga tao sa mundo.
Ininterview muna ako ni Mody pagkaupo ko sa silya. Humarap kaming pareho sa salamin at tinanong niya kung anong gusto kong gupit. Sabi ko bahala siya. Gusto ko lang magpa-trim. “Alam mo, magpahaba ka kaya ng hair?” aniya. Tinignan ko siya ng masama. Iyan din ang sinabi sa akin ng kaibigang itago nalang natin sa pangalang Chabelita. Ngunit iba ang ibig sabihin ni Chabelita noon (tumutukoy sha sa isang bagitong mananaliksik na kakalipat lang sa aking opisinang pinagtatrabahuan). Nagka-visual flash tuloy ako--na ako’y protagonista sa isang short-film project ng ilang estudyante na kung saan ang running theme ay pagpapahaba ng buhok at ang various meanings nito. Pinaglalaruan parin ba ako ng tadhana?
“Gusto ko din magpahaba ng buhok,” ang sagot ko, “kaso tuwing hahaba ng kaunti, ang sagwa nanaman ng itsura kaya ako nagpapagupit uli.”
“Ahhhhhhhh. Mainipin ka kasi,” ang biglang balik ng bakla.
Tanginang baklang yon. Hindi ko akalaing sa loob lang ng tatlong minutong pagkakakila namin ay nahusgahan na niya ang aking buong pagkatao at nakapag-suggest na rin siya ng gameplan para sa aking buhay. Pero kung sabagay, napansin ko na ako nga ay isang tao na hindi mapirmi. Minsan namirito ako ng isda at dahil sa pagkainip ay agad kong ibinaliktad ito. Tulad ng inaasahan, tumalsik ang mantika sa aking braso at nadisporma ang isda na noong bago ko lutuin ay katakam-takam at sariwang-sariwa sa paningin. Ayun. Di lamang ako napaso, nagutay-gutay din ang isda at nagmukhang kaawa-awa nang ilapag ko sa mesa. Tsk.
Mula noon, sanay na ako magmirito ng isda. May timing 'yan e. Kung ikaw ay mapagmasid, malalaman mo kung kailan luto ang isang isda sa itsura nito, tunog ng mantika at amoy ng usok. Ngunit bakit hindi ko ‘yan mai-apply sa ibang aspeto ng aking buhay?
Natulala ako sa tunog at ritmo ng pagtabas ng gunting sa aking buhok. Tama si Mody. Natural lang na sa pagpapahaba ng buhok, may mga awkward stages na kaakibat. Sa madaling salita, sa bawat goal o target, may prosesong pinagdadaanan. Sa dinami-dami ng taon ko sa mga organisasyon na lumilingap sa mga maralitang tiga-lungsod bilang isang estudyante at isang manggagawa, hindi ko alam kung bakit tila nakalimutan ko na ito samantalang ito ang idinidikdik sa amin sa kilusan.
Noong ako’y nasa isang pulong kasama ang mga organisador ng isang grupong sangkot sa usapin ng pabahay, may isang lider na nagsabing “in our kind of work, it is important to be able to unlearn frustrations and celebrate small victories.” Napaisip ako doon. Napakadaling dumausdos sa mentalidad na wala naman patutunguhan ang iyong ginagawa, lalo na kung ang pakiramdam mo ay bigay ka nang bigay ngunit wala paring konkretong pagbabago sa lipunan, o, sa personal na konteksto, sa mga ugnayan mo sa ibang tao. Ngunit napagtanto ko na hindi lahat ay nasa iyong mga kamay. Maraming mga bagay na labas sa iyong kontrol at masisiraan ka lamang ng bait kung iisipin mo na responsibilidad mong baguhin ang lahat.
Kaya din, katulad ng pagpuri sa mga ibang parte ng iyong mukha sa salamin habang nagpapahaba ka ng buhok, sa trabaho at sa personal na buhay, mahalagang ipagdiwang ang malililiit na tugumpay kasama ang mga taong sangkot. Hindi ito paglinlang ng sarili ngunit isa lamang pag-acknowledge na may mga dapat ikatuwa sa mga prosesong ito. Isa din itong pasasalamat sa pagsisikap ng iyong mga kasama at pagtanaw na may hinaharap na bubuuin ng madami pang small victories at excited ka na! Sa kasamaang palad, ito ang nakakalimutan ng madami, kasama na ako. Madaling makakilala ng mga bagay na nakakapagpasaya sayo, kaya lang, medyo may kahirapan sa pagsisiwalat nito. But victories are only half-victories when they are not shared, yan ang aking natutunan at a cost.
Mabilis natapos si Mody sa paggupit ng aking buhok. Maigsi na siya to begin with. Sa kahit na anong kultura, uso ang pagpapagupit kapag may mga mahahalagang pangyayari sa buhay ng isang tao. Nagpapatabas ng buhok bilang therapy, rebellion o di kaya’y pagbabagong buhay. Ikaw? Ilang beses mo na bang inisip magpaka-Baby Ama? Kung mag-quarenta ka na, pupusta akong maski dalawa.
Ngunit sa tingin ko mas tumpak na simbolo ng pagkakaroon ng isang kamalayang nagkaka-gulang ang pagpapahaba ng buhok. Dahil katulad ng pagpapahaba ng buhok, ang buhay ay isang mahabang proseso and you just have to be patient with yourself and with things you can’t control while celebrating good things with the people you care for. At kahit man may mga awkward moments, kung alam mo kung ano ang gusto mo at hindi mo ito kalilimutan, pagtratrabahuan mo ito at babalewalain mo ang anumang awkwardness na kaakibat nito. Diyahe siguro para sa landlady ko noong natiyempuhan ko siyang humahalakhak mag-isa. E sa pangarap niya maging soap-opera queen e, wala akong magagawa. Kung tutuusin, sino ba ang mga nagtatagumpay sa buhay kundi mga taong hindi takot sa awkward, hindi takot maging wirdo?
Napabuntong-hininga ako, nagpasalamat kay Mody, nagbayad, at, sa paglabas ko sa mundong umiikot parin at hindi nagbago, nagdesisyon ako: mula ngayon magpapahaba na ako ng buhok.