7.25.2008

analysis is paralysis

analysis is paralysis



tanong: anong gagawin pagkatapos magshoot sa ultra, umuulan at walang masakyan pauwi?

sagot: tumambay sa megamall at palipasin ang rush hour kahit na wala ka nang pera at ang gusto mo lang gawin ay dali-daling umuwi at magmukmok. pumunta ka nalang sa book sale at maghanap ng kakaibang libro. pag may makita kang maganda-ganda, magrason sa sarili at isipin na meron at meron ka pang makikita na mas sulit sa P 150.00 mong puwedeng gastusin. pag nagsawa na, suyurin mo nalang lahat ng bentahan ng sapatos: lahat ng nasa 2nd floor building A, lahat ng istante sa department store, lahat ng mga nahihiwalay sa 3rd floor Building B. lahat lahat. pag napagod ka na, kumain ka nalang sa dati mong kinakainan pag mag-isa ka. doon sa dulo, sa booth, sa walang makakaistorbo. at doon dahan-dahan mong nguyain ang na-order mong pagkain, at lahat ng tanong na sumasayaw sa iyong isipan.

at dahil uwian na ng lahat ng mga empleyado ng mall, lumabas ka na at pumila sa taxi bay. wag ka nang maglakad-lakad sa likod at magbakasakaling makakita ng taxi agad. umuulan. huwag ka nang magshuttle papuntang marikina at mag-jeep mula doon pabalik ng aurora. baka manakaw pa ang camera mo. dito ka nalang, dito ka nalang. mag-antay ka ng isa't-kalahating oras. tutal, ayaw mo na pala muna umuwi at masaya ka namang pinagmamasdan ang mga taong may kanya-kanyang mga kausap: anak, kasintahan, nanay, tatay, kapatid, katrabaho, sarili. tutal, malakas ang tugtog na lumalabas mula sa earphones ng mp3 mo. magtaka ka kung bakit sa bilis ng hampas ng electronica at rock sa iyong mga tenga, tila ang bagal-bagal ng mga bagay sa paligid parang slow-motion. magulat ka naman kung bakit ang mga ilaw ng kotse ay naglalakbay kasimbilis ng iyong pinapakinggan. nakakahilo pero wag mong ipikit ang iyong mga mata. ito iyon, ito na yon. suspended animation. animated suspension. parang pinagsabay ang kanta at ang backmask nito. at sabay ding matatapos. sadyang mapaglinlang ang oras.

at pagbukas mo sa pinto ng taxing kanina mo pa inaantay, huwag ka nang umangal kung ang maririnig mong kanta ay "tama ka" ng eraserheads. hiningi mo 'to.

No comments: